Bagong witness ng suhulan lumutang
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng mga bagong testigo na nagkaroon ng suhulan noong 2004 presidential elections partikular sa Mindanao upang masiguradong mananalo si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa pahayag nina dating Judge Casan-Ali Limbona, professor Maulawi Calimba at Amer Hassan Doro sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at Electoral Reforms and People Participations, naging mga kontak umano sila ni dating Shari’a Court Judge Nagamura Moner upang suhulan ang mga election operators at makakuha ng boto pabor kay Arroyo.
Noon umanong 2004, tinawagan ni Moner si Limbona upang maghanap ng mga tao sa Sultan Kudarat kung saan natatalo si Arroyo ng namayapang actor na si Fernando Poe Jr.
Nagkataon umano na kaibigan noon ni Limbona si dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol.
Inatasan umano ni Moner si Limbona na kausapin si Bedol upang maipanalo si Arroyo sa Sultan Kudarat. Nakakuha rin umano ng P50,000 si Limbona mula kay Moner para sa ginawa niyang pag-kontak kay Bedol.
Sinabihan umano ni Limbona si Bedol na tatanggap ito ng P5 sa bawat lamang na makukuha ni Arroyo kay FPJ sa mga probinsiya ng Mindanao.
Sa affidavit naman ni Calimba, sinabi nito na siya ang inatasan ni Moner na mamigay ng P5,000 sa 17 opisyal ng Commission on Elections at dalawang Assistant Comelec officers. Nasaksihan din umano ni Calimba ang pamimigay naman ni Director Barry Macaumbos ng Lake Lanao Watershed ng DENR ng P15,000 sa mga election officers.
Samantala, pag-aaralan ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation kung may nilabag na batas si Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP) Secretary Teresita “Ging” Deles nang ipangampanya nito si Arroyo.
Ayon kay Sen.Aquilino “Nene” Pimentel III, mayroon na silang basehan upang ipatawag si Deles sa mga susunod na hearing tungkol sa nangyaring dayaan noong 2004. Titingnan din umano kung ginamit ang pera ng gobyerno sa ginawang pangangampanya nina Deles.
- Latest
- Trending