MANILA, Philippines - Dapat na umanong ituro sa mga paaralan sa buong bansa ang kasaysayan ng mga Muslim partikular ang Moro history upang maintindihan ang kultura ng mga ito at makatulong sa pagpapanatili ng katahimikan sa nasabing mga lugar.
Sinabi ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, chairman ng House committee on higher and technical education, dapat na magkaroon ng malalimang multi-cultural understanding sa pagitan ng mga Filipinos, Kristiyano man o Muslims at Lumads sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Hiniling din ni Angara sa liderato ng Kamara na ipasa na ang House Bill No. 270 na naglalayong isama sa mga curricula sa lahat ng antas ng edukasyon at pagsasanay sa mga paaaralan sa bansa na sisimulan sa Mindanao ang pag-aaral sa Moro history.
Nakasaad din sa nasabing panukalang batas na may mandato ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na mag-inisyatiba at manatili ang mga programa para sa pagtalakay sa Moro history kabilang ang kultura, at ng kabuuan nito.
“This measure should be able to redirect our educational system towards equity and justice among all citizens of the republic,” ayon pa kay Angara.