MANILA, Philippines - Isang 45-anyos na Pinay domestic helper ang nasawi matapos na umano’y nabundol ng rumaragasang bus sa Hong Kong.
Ayon sa ulat, kinilala ang Overseas Filipino worker (OFW) na si Luisa Dukey, tubong Caloocan City.
Base sa report, idineklarang patay si Dukey dahil sa tindi ng mga tinamong sugat nito sa katawan matapos ang isang oras nang siya ay maisugod sa Queen Mary Hospital.
Nabatid na habang papatawid umano sa kalsada ang Pinay patungo sa paaralan na pinapasukan ng kanyang alagang bata nang mahagip ng isang light bus.
Wala pang natatanggap ang Department of Foreign Affairs na kumpirmasyon mula sa Philippine Consulate sa HK sa nangyari kay Dukey.
Si Dukey ay may anim na taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong bilang kasambahay at miyembro umano ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa ilalim ng panuntunan ng OWWA, ang OFW na nasawi sa ibayong dagat habang nasa trabaho ay may ilalaang P200,000 insurance benefits para sa naiwang pamilya nito bukod pa sa P20,000 burial benefits.