MANILA, Philippines - Naalarma si Bayan Muna Rep. Teddy Casino sa pagpatay sa isang 50-anyos na bakla at ang pag-atake sa mga bading gamit ang mga pellet guns sa Cebu City kahapon.
Si Casino ang may akda ng House Bill 1483 o ang Anti-Discrimination Act of 2010 na naglalayong iklasipika at parusahan ang krimen na discriminatory laban sa mga lesbians, gays, bisexual at transgenders o LGBT.
Umaasa si Casino na madaliang maaaresto ng kapulisan sa Cebu ang mga taong sangkot sa mga krimen na ito dahil hindi ordinaryong krimen ang mga nangyayari sapagkat ang motibo ng mga kriminal ay ang ‘di makatarungang panghuhusga at labis na galit at poot sa mga taong nabibilang sa third sex.
Napag-alaman naman ng Philippine LGBT Hate Crime Watch na may 103 na kaso ng hate crimes laban sa mga homoseksuwal mula pa noong 1996.
Ayon kay Casino, ang buong mundo ay naalarma na rin sa mga LGBT hate crimes kaya inaprubahan ng United Nations Human Rights Council ang isang resolusyon na humihikayat na pigilan ang mga krimen laban sa homosekswalidad sa lahat ng panig ng mundo.