MANILA, Philippines - Upang mabuhay at may maipadalang pera sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas, ilang overseas Filipino workers (OFWs) ang nagbebenta na umano ng kanilang sariling dugo sa Saudi Arabia.
Sa tinanggap na ulat ng Migrante-Middle East (M-ME), may mga Pinoy na walang trabaho at undocumented ang napipilitan nang magbenta ng sariling dugo sa mga ospital upang matustusan ang sarili para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan at may maipadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Isang OFW na itinago sa pangalang Roy, 30, tubong Tondo, Manila ang nagkumpirma umano kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante ME, na matapos siyang tumakas sa kanyang amo dahil sa pang-aabuso at hindi pagbibigay ng kanyang sahod ay nagawang ibenta ang kanyang dugo para lamang mabuhay sa Saudi.
Si Roy ay nagtungo sa Saudi noong 2009 bilang isang glass cutter at nang hindi pasuwelduhan ng amo ay tumakas hanggang sa maging undocumented.
“Mahirap ang walang permanenteng trabaho at TNT. Kaya buwan-buwan ‘nagbebenta’ ako ng dugo para may pera at remittance para sa pamilya ko,” ayon kay Roy kay Monterona.
Bukod kay Roy, isa pang Pinoy na si ‘Miko’, 38, store merchandiser sa Riyadh ang nagbenta rin ng kanyang dugo sa isang ospital sa Riyadh nang siya ay matanggal sa trabaho at nahirapang makahanap muli ng papasukan sa loob ng tatlong buwan.
“Una, nag-donate ako ng 500 CC, binigyan ako ng 500 Saudi rials (SR). Pagkalipas ng 2 buwan, 500 CC ulit ng dugo, binigyan ako ng hospital ng 300 SR,” salaysay ni Miko kay Monterona.
Bagaman walang nakikitang mali sa pagdo-donate ng dugo, hiniling ng Migrante sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na magbigay ng shelter para sa mga undocumented Pinoys na nagigipit at tumatakas sa mga amo.
Tinatayang may 8,000 hanggang 10,000 undocumented OFWs sa Saudi Arabia.