MANILA, Philippines - Dahil hindi naman sinusunod ng ilang unibersidad ang patakaran ng Commission on Higher Education (CHED) sa “no permit, no exam,” isinulong ni Senator Manny Villar ang isang panukalang-batas na naglalayong tuluyang ipagbawal sa mga pribado at pampublikong unibersidad at kolehiyo ang hindi pagbibigay ng exemination kung hindi pa nakakabayad ng tuition fee at hindi pa nabibigyan ng permit ang isang estudyante.
Sa Senate Bill 2992 na inihain ni Villar, sinabi nito na sa kabila ng pinalabas na memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) laban sa ‘no permit, no exam’ policy, may mga pribadong unibersidad at kolehiyo pa rin sa bansa ang lumalabag dito.
Ang pagbabawal sa “no permit no exam” policy ay ipatutupad rin maging sa mga technical vocational schools.
Ang panukala ni Villar ay tatawaging “Anti-No Permit, No Exam Act of 2011” kung saan ang sinumang opisyal at empleyado ng higher educational institution at technical-vocational schools kasama na ang dean, coordinators, advisers, professors at instructors ay pagmumulltahin ng mula P20,000 hanggang P50,000 kung hindi sila susunod.
Sinabi ni Villar na hindi dapat maging hadlang sa edukasyon ang kakapusan sa pera ng mga estudyante.
Sa nasabing panukala, hahayaan ang isang estudyante na makakuha ng mid-term o final examination kahit hindi pa bayad sa tuition pero papatawan sila ng 6 percent interest per annum.
Mabibigyan din naman umano ng proteksiyon ang mga may-ari ng eskuwelahan dahil hindi rin ilalabas ang grado ng isang estudyante hanggang hindi ito nakakapagbayad.