MANILA, Philippines - Iimbestigahan na rin ng Senado pati ang paggamit ng pondo ng Government Financial Institutions (GFI’s) sa mga pribadong indibidwal kaugnay sa pinalawak ng pagsisiyasat sa P660 milyong ‘behest loan’ na ipinagkaloob sa negosyanteng si Roberto Ongpin.
Sinabi ni Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng blue ribbon committee, uunahin lamang nilang imbestigahan ang sinasabing P660-M behest loan ng Development Bank of the Philippines kay dating Trade Minister Roberto Ongpin.
Wika pa ni Sec. Guingona, isusunod nilang imbestigahan ang mga maanomalyang transaksyon hindi lamang ng DBP kundi pati ng mga GFI’s tulad ng Land Bank of the Philippines (LBP), Social Security System at iba pang kwestyonableng transaksyon.
Sa panig naman ni Sen. Sergio Osmeña, chairman ng committee on banks, kukuwestyunin din niya ang iba pang opisyal sa umano’y pagbili ng controlling shares sa Petron at Meralco mula sa loan ng GFI’s.
Inamin ito mismo ng dating DBP president Rey David sa pagharap nito sa imbestigasyon ng Senado at iginiit niyang hindi ito talaga practice ng DBP na bumili ng shares sa merkado.
Natuklasan din ni Osmeña na pinahiram din ng DBP si Ongpin ng pera na pinambili ng shares sa Petron bukod na pinautang dito na pinambili ng Philex mining shares.
Naniniwala si Osmeña na mayroong malaking tao na nasa likod ni Ongpin kaya nabigyan ito ng malaking loan ng DBP na inamin naman ni Ongpin na kaibigan niya si dating First Gentleman Mike Arroyo.