DOJ sinugod ng transport
MANILA, Philippines - Kinondena ng grupong Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT) ang Department of Justice sa umano’y kawalang aksyon sa kanilang inihaing reklamo laban sa tatlong dambuhalang kumpanya ng langis.
Sa kanilang pagsugod sa DOJ, sinabi ng grupo hindi sapat ang isinagawang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo kamakailan na naglalayon lamang umanong lokohin at ibaling ang atensyon ng publiko.
Sinabi ng grupo na tila pa-konsuwelo lamang sa transport group ang rollback samantalang bigla na namang magtataas ng presyo sa mga susunod na araw.
Setyembre 14 pa nang maghain ng reklamo ang pangulo ng grupo na si Dante Lagman laban sa “Big 3” at inakusahan ng cartelization, overpricing at price manipulation.
Sinabi ni Lagman na sa kabila ng pangako noon ni Justice Secretary Leila de Lima na aaksyunan ang kanilang hinaning, wala pa rin silang natatanggap na tugon hanggang ngayon.
Umaasa sila na hindi naman tutulugan ni de Lima ang kanilang hinaing.
- Latest
- Trending