Unified traffic ticketing system balak ipatupad sa MM
MANILA, Philippines - Balak ipatupad ng administrasyon ni Pangulong Aquino ang unified traffic ticketing system sa Metro Manila.
Sa ginanap na Communications and News Exchange (CNEX) Forum sa Philippine Information Agency, sinabi ni Land Transportation Office (LTO) director Dennis Singzon na sa isang pulong kasama ang Pangulong Aquino ay nagpahayag ng pagkabahala ang mga lider ng transport group hinggil sa kasalukuyang sistema ng pagbibigay ng traffic violation ticket sa mga motorista sa Kamaynilaan.
“Isa sa mga napag-usapang isyu ay ang pagkalito hinggil sa implementasyon ng mga batas trapiko sa Metro Manila,” ani Singzon, kasabay ng sabing ang LTO, MMDA, PNP at 17 lokal na pamahalaan sa rehiyon ay may kani-kanyang sistema ng pagti-ticket alinsunod sa ipinatutupad nilang batas trapiko.
Bilang tugon dito, agad na hinirang ng Pangulo si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo upang pamunuan ang isang inter-agency task force na babalangkas sa implementasyon ng isang uniform citation traffic ticket at kahalintulad na traffic fine rate sa Metro Manila.
Sa ilalim ng iba’t ibang traffic management scheme, ang isang motorista na nahuli at inisyuhan ng traffic violation ticket sa Lungsod ng Makati ay maaari ring mahuli na “driving without a license” sa Pasay City dahil ang temporary driving ticket ay ubra lamang sa isang partikular na lungsod.
Ani Singzon, ang pinag-isang sistema ang nakikita ring kasagutan ng mga awtoridad para matugunan ang kaguluhan sa mga ini-isyung traffic violation ticket sa NCR.
- Latest
- Trending