MANILA, Philippines - Isinulong ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagbuo ng bagong regulasyon sa pagbibigay ng permiso sa mga sibilyan na nagma-may ari ng baril dahil obsolete o hindi na naaayon sa panahon ang umiiral na Firearms Code o Presidential Decree 1866.
Ayon kay Lacson, ang nasabing batas ay umiiral noon pang panahon ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos kung saan mababa pa ang parusa.
Sa Senate Bill 2993 na inihain ni Lacson, nais nitong dumaan muna sa isang gun safety seminar ng Philippine National Police ang mga sibilyan na bibigyan ng lisensiya para sa kanilang armas.
Kailangan din na ang kukuha ng lisensiya ay walang record na na-convict o nakulong dahil sa anumang krimen, pasado sa drug at psychiatric tests at dapat may police clearance.
Dapat ding magsumite ng income tax returns o dapat ay may regular na negosyo ang nais magkaroon ng lisensiya para sa kanilang baril.
Samantala, ang tanging papayagang magbitbit ng baril sa labas ng kanilang bahay ay ‘yong mga taong may banta o nasa panganib ang buhay dahil sa uri ng kanilang trabaho katulad ng mga miyembro ng media, abogado at bank tellers.
Ang mga light weapon o mahihinang klase lamang ng baril ang papayagang mabigyan ng permit to carry para sa mga sibilyan.
Naging mainit ang isyu nang pagbibigay ng permit to carry matapos mabunyag ang mataas na kalibre ng baril na nasa sasakyan ni Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas.