MANILA, Philippines - Humina na at inalis na ng PagAsa ang babala ng bagyo bilang 2 sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ramon. Tanging signal number na 1 lamang ang umiiral sa Marinduque, Mindoro Provinces, Romblon, Southern Quezon, Camarines Sur, Sorsogon, Albay, Burias Island, Ticao Island, Masbate, Northern Palawan, Calamian Group of Islands, Panay Island, Guimaras Island at Northern Negros Occidental.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Ramon ay namataan sa layong 30 kilometro ng hilagang silangan ng Roxas City taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.
Umuusad pa rin ito sa direksyon ng kanluran hilagang kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.
Ngayong Huwebes, si Ramon ay inaasahang nasa layong 190 kilometro sa kanluran ng Calapan City. Malawak pa rin ang dalang kaulapan ng bagyo kaya inaasahan pa rin ang mga pag-ulan kaya pinapayuhan ang mga residente na mag-ingat dahil sa posibleng pagbaha at landslide.