Palasyo payag mag-abroad si CGMA
MANILA, Philippines - Walang magiging pagtutol ang Palasyo kung talagang nararapat magpagamot sa ibang bansa si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Ricky Carandang, kung irerekomenda ng mga doctor na dapat magpagamot sa ibang bansa si Mrs. Arroyo ay walang magiging pagtutol dito ang Palasyo.
“It would defend more on what the doctors say. If credible medical treatment says its necessary to seek medical treatment abroad, we would allow it,” wika pa ni Carandang.
Magugunita na maging si Sen. Panfilo Lacson ay walang pagtutol sa rekomendasyong magpagamot sa ibang bansa ang dating lider matapos na ito ay sumailalim sa 2 opera sa kanyang leeg.
Samantala, binigyan din ng Kamara si GMA ng travel authority para makapagpagamot sa ibang bansa.
Sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte, pinirmahan na niya ang mga dokumento ni GMA upang makaalis ito ng bansa patungong Germany at New York para makapagpatingin sa mga espesyalista.
Wika pa ni Belmonte, ginawa niya ito matapos makausap si Mindoro Occidental Rep. Amelita Villarosa at malaman ang kalagayan ni Arroyo. (Rudy Andal/Gemma Garcia/Butch Quejada)
- Latest
- Trending