PNoy tutol sa heroes burial kay FM
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Pangulong Aquino na hindi bibigyan ng heroes burial at military honors ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa pagdalo nito sa forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), hindi siya pabor na bigyan ng heroes burial ang yumaong diktador.
Wika ni PNoy, magiging injustice ito kapag ginastusan pa ng gobyerno ang heroes burial para sa yumaong diktador.
Idinagdag pa ni Aquino, magbibigay ito ng masamang mensahe dahil hindi maaaring kalimutan ng sambayanan ang mga naging kasalanan ni Marcos.
Kaugnay nito, nag-sorry ang Pangulo kay Vice President Jejomar Binay dahil inatasan pa nito noon na magsagawa ng pag-aaral pero sa bandang huli ay siya rin ang magdedesisyon.
Magugunitang matapos ang konsultasyon sa iba’t ibang sektor, inirekomenda ni Binay na ilibing si Marcos sa kanyang lalawigan sa Ilocos Norte at bigyan ng full military honors.
Samantala, tinawag ni Sen. Ferdinand “Bong bong” Marcos Jr. si Pangulong Aquino na walang isang salita.
Ayon kay Marcos, maliwanag na nakapag-desisyon na ang Pangulo bago pa man ito sumabak sa kampanya kung saan naungkat ang isyu ng paglilibing sa dating pangulo.
“Sa aking pananaw eh nakapagdecide na pala siya bago pa nung kampanya. Hindi pala siya tapat sa kanyang sinabi nung kanyang pagka-upo. It was play acting on his part, the President’s part.” sabi ni Marcos.
Sinabi pa ni Marcos na pinalampas ng Pangulo ang pagkakataon na pag-isahin ang bansa.
Matatandaan na hiniling ng Pangulo kay Binay na pag-aralan ang isyu at magbigay ng rekomendasyon tung kol sa paglilibing kay Marcos.
- Latest
- Trending