MANILA, Philippines - Inaalam na ng Korte Suprema kung sino ang nagkamali sa paghawak ng Supreme Court (SC) 2nd Division sa kaso ng Philippine Airlines (PAL) at Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP).
Una nang binawi kahapon ng Supreme Court En Banc ang desisyon ng 2nd Division na nagdedeklarang ilegal ang pagsibak ng PAL sa 1,400 flight attendants dahil hindi sila ang dapat humawak sa kaso kundi ang SC Special 3rd Division.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson at Court Administrator Justice Midas Marquez na hindi pa nila alam sa ngayon kung saan nangyari ang pagkakamali pero posible aniyang ito ay sa panig ng isang mahistrado o sa clerk of court.
Paliwanag ni Marquez, ilan sa mga miyembro ng Special 3rd Division ay kinuha mula sa 1st at 2nd Division kaya posibleng na-assign ang kaso sa mahistrado ng Special 3rd Division na miyembro rin ng 2nd Division.
Dahil dito, posible aniyang gumawa ang mahistrado ng draft ng desisyon at naibigay sa Clerk of Court ng 2nd Division at hindi sa Special 3rd Division kaya nailagay ito sa agenda ng maling dibisyon.
Itinanggi din ni Marquez na hindi pinapaboran sa en banc si Lucio Tan na may-ari ng PAL.