MANILA, Philippines - Isang 25-anyos na Pinay ang hinatulan ng Dubai court ng isang taong pagkabilanggo dahil sa umano’y bawal na relasyon sa sarili nitong asawang Pinoy sa United Arab Emirates (UAE).
Sa report na tinanggap ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East, humihingi ng tulong ang Pinay na may inisyal na NR, matapos na makulong at masentensyahan nitong Linggo (Oct 9) ng 1-taong pagkakakulong dahil sa kasong “illicit relationship” na inihain laban sa kanya at sa kanyang umano’y mister.
Nabatid na isa ring OFW ang umano’y asawa ni NR at may isa silang anak na 2-buwang sanggol. Kasamang nakakulong ni NR ang kanyang sanggol na anak sa Dubai jail.
Nabatid sa The National, isang Dubai-based newspaper, na nagbigay ng testimonya si NR sa Dubai Court of Misdemeanors na siya at kanyang mister ay kasal noong Hunyo 10, 2007 sa Pilipinas, tatlong araw bago sila tumungo pareho sa Dubai upang magtrabaho.
Noong Hulyo 27, 2011 ay nagsilang ng sanggol ang Pinay sanhi ng kanyang pagkaka-aresto matapos na hindi nito maprisinta ang kanyang mga dokumento o valid marriage certificate na nagpapatunay na asawa niya ang kinakasamang Pinoy.