P-Noy malamig sa kaso ni Llamas
MANILA, Philippines - Binalewala lamang ni Pangulong Aquino ang kinasangkutang kontrobersya ni Presidential Political Adviser Ronald Llamas.
Sinabi ni Sec. Llamas sa media interview kahapon, nagkausap na sila ni Pangulong Aquino at pinayuhan lamang siya nito na mag-ingat sa pagkuha ng kanyang mga tauhan matapos masangkot sa gulo ang 2 staff nito gamit ang kanyang sasakyan kung saan ay naroroon ang kanyang lisensiyadong AK-47.
Itinanggi din ni Llamas na pinagalitan siya ng Pangulo.
Kasama ng Pangulo si Llamas ng dumalo sa Biyaheng Pinoy na itinaguyod ng DILG sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng Local Government Code sa PICC, Pasay City.
Samantala, nagbanta naman si Agham Party list Rep. Angelo Almonte na kung hindi kakasuhan ng PNP si Llamas ay maghahain siya ng resolusyon upang makapagsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Sinabi ni Almonte na malinaw ang paglabag ni Llamas sa pagdadala ng mataas na kalibre ng baril na nakita sa kaniyang sasakyan na minaneho ng kaniyang mga bodyguard.
Bagama’t pinapayagan umano ng batas na magkaroon ng armas ang mga opisyal ng gobyerno subalit hindi kasali ang high-powered firearms sa mga dapat pagmamay-ari nila.
Pinaliwanag pa ni Palmones na kung tapat ang pamahalaan na ipatupad ang matuwid na landas, gawin nilang halimbawa ang kaso ni Llamas.
Hinamon din nito si Llamas na magbitiw na sa pwesto matapos ang iskandalong umuga sa administrasyon. (Rudy Anda/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending