MANILA, Philippines - Pagdaraos ng “food summit” sa bansa ang solusyon sa pinangangambahang food crisis o food riots sa taong 2012 bunsod ng mataas na presyo ng pagkain sa bansa.
Ito ang mungkahi ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez kay Pangulong Aquino kasunod ng babala ng Nestle, na itinuturing na pinakamalaking food company sa mundo, na posibleng magkaroon ng food riots sa Africa, Haiti at Pilipinas.
Ayon kay Iniguez, dapat seryosohin ng pamahalaan ang naturang babala ng Nestle at pag-aralan at pag-usapan ng lahat ng sektor ng lipunan at mga ahensiya ng pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon at solusyon para sa bantang kakapusan ng pagkain dahil sa mga nagdaang bagyo at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain. Inihayag pa ng Obispo na napapanahon nang magamit at malinang ng husto ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura na matagal ng napapabayaan upang maiwasan ang pagkakaroon ng kakapusan ng pagkain sa bansa.
Una nang inamin ni National Food Administration administrator Lito Banayo na aangkat na naman ng bigas ang Pilipinas sa ibang bansa para tugunan ang kakulangan ng supply nito. Sinabi pa ni Banayo na kahit hindi sinalanta ng bagyo ang bansa ay talagang kapos o kulang ang produksiyon ng bigas kumpara sa pagkonsumo ng mga mamamayan.