MANILA, Philippines - Itinutulak ngayon sa Kamara ang panukalang nagbabawal sa mga menor-de-edad na uminom ng alak o inuming nakalalasing.
Sa harap na rin ito ng pagsirit ng bilang ng mga kabataang nasasangkot sa iba’t-ibang krimen sa bansa.
Nais ni Camarines Sur Rep. Diosdado “Dato” Macapagal Arroyo na madaliin ng Kongreso ang pagpapatibay sa inihain nitong “Anti-Underage Drinking Act of 2011” o House Bill 5101.
Naniniwala si Arroyo na sa pamamagitan nito ay maitatakda ang mahigpit na polisiyang gagarantiya sa mga kabataan ng bansa na maging responsable sa kanilang ginagalawang lipunan.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng mga menor-de-edad o 18 taong gulang pababa, na mahuhuling umiinom ng alak ay oobligahing sumailalim sa community service.
Nababahala ang nakababatang Arroyo sa pagtaas ng mga kaso ng karahasan, sexual at drug abuse gayundin ang pagpapakamatay na nag-uugat umano sa paglalasing ng mga menor de edad.
Sinabi ng mambabatas na sa ilalim ng kasalukuyang mga batas, itinatakda ang legal drinking age sa 18 anyos subalit bigo namang mabantayan ang implementasyon nito na nauuwi pa rin sa laganap na paglalasing ng kabataan.
Pero sa panukala ng kongresista, parurusahan din ang mga nagbibigay-daan para makakuha ng mga alkohol ang mga kabataan at ang mga establisimyento ay maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000 at pagbawi ng kanilang lisensya o permit. (Butch Quejada/Gemma Garcia)