MANILA, Philippines - Nakapasok na ang Pilipinas sa top 5 na mga bansa na may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong mundo habang top 1 na o nangunguna naman sa buong Asya.
Nabatid kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) head Raymond Democrito Mendoza, pinakamahal na kuryente sa mundo ang sinisingil ng Manila Electric Company (Meralco) na P10.52 kada kilowatt-hour. Sinusundan ng Pilipinas ang mga mayayamang bansa sa Europa na Denmark na may katumbas sa piso na singil na P14.98; ikalawa ang Germany, P13.87; pangatlo ang Italy, P11.84 at pang-apat ang Austria, P11.78 kada kwH.
Nalagpasan na ng Pilipinas sa Asya ang Japan na dating may pinakamataas na singil sa kuryente. Dahil dito, lalong nahihirapan umano ang ekonomiya ng bansa na makipagkumpitensya maging sa mga kapwa third world country na mga kapitbahay tulad ng Thailand, Vietnam, Cambodia, Indonesia, Malaysia at iba pa na higit na mabababa ang singil sa kuryente.
Kasama ang Philippine Chamber of Commerce and Industries (PCCI), umapela na ang dalawang grupo kay Pangulong Aquino na aksyunan ang problema sa napakataas na singil sa kuryente sa bansa kung nais nitong dumami ang investors.
Hindi pa umano sila nakakatanggap ng tugon sa Pangulo habang ipinag-kibit balikat lamang ni Energy Secretary Jose Rene Almendras ang kanilang petisyon at sinabing wala nang bago dito.
Ikinalungkot rin ng grupo ang tugon ni deputy presidential spokesperson Abigael Valte nang sabihan sila na sa Energy Regulatory Commission (ERC) idaing ang kanilang apela. Sinabi ng TUCP na parte na umano ng problema ang ERC na pumapabor ang mga desisyon sa mga power distributors sa bansa. (Danilo Garcia/Gemma Garcia)