MANILA, Philippines - Umaasa ang mga lokal na pamahalaan sa bansa na masisingil na nila ang tinatayang P500 bilyon na utang ng nasyunal na pamahalaan buhat sa hindi naibibigay na 40% sa “Internal Revenue Allotment” buhat noong 1992 sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ang inihayag kahapon ni Batangas Rep. Hermilando Mandanas, chairman ng Committee of Ways and Means sa Kongreso sa opisyal na pagbubukas ng programang “Biyaheng Pinoy” ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Ibinulgar ni Mandanas na naipon ang naturang napakalaking halaga makaraang hindi tuparin ng national government ang isinasaad ng 1987 Constitution, Republic Act 7160 (Local Government Code of 1991), at Republic Act 8424 (National Internal Revenue Code of 1997) na nararapat hatian ang mga lokal na pamahalaan ng 40% sa kabuuang buwis na nalilikom ng Bureau of Internal Revenue. Kasama dito ang mga buwis sa “Value Added Tax (VAT)”, Excise Tax, at Documentary Stamp Tax.
Sinabi ni Mandanas na magagawan ito ng paraan ng Malacanang upang makuha ng mga lokal na pamahalaan ang nararapat na parte nila sa IRA.
Nangako naman si DILG Secretary Jesse Robredo kay Mandanas na pag-aaralan ang pagbibigay ng naturang pondo.