MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ni Transportation Secretary Mar Roxas II na balak ng gobyerno na ilipat ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nasa boundary ng Pasay at Paranaque sa Clark, Pampanga.
Base umano sa pag-aaral, aabot sa $2.5 bilyon ang halaga ng 440 ektaryang nasasakop ng NAIA kung ibebenta ito.
Pero dapat din umanong magtayo ng mabibilis na tren ang gobyerno dahil maraming mga mamamayan ang mahihirapan kung ililipat ang NAIA sa Pampanga.
Naungkat ang balak na paglilipat ng international airport matapos kumustahin ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pinakahuling updates ng North Rail project.
Inihayag ni Roxas na nakumbinsi ng gobyerno ang mga lider ng China na muling iayos ang proyekto dahil sa mga nakitang kahinaan at kakulangan nito.
Sinabi ni Roxas na ang gobyerno na ng Pilipinas ang gagawa ng terms of reference at igigiit din nilang yong mga kontraktor na may malawak na karanasan ang hahawak sa proyekto.