'9 9 9 Protest' raratsada uli
MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling pangungunahan ng pamunuan ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) ang ikalawang yugto ng kilos protesta na tinawag na ‘9 9 9 protest’ kung saan sabay-sabay na magpapatay ng ilaw ngayon, Oktubre 9 ganap na alas-9 ng gabi ang 9 na milyong consumer ng iba’t ibang electric cooperatives sa mga probinsiya.
Ayon kay AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones, hindi titigil ang kanyang grupo hanggat hindi itinitigil ng may 107 electric cooperative sa mga probinsiya ang pagpapataw ng dagdag na singil sa kuryente o Member Contribution for Capital Expenditures (MCCE) na isinisingit sa monthly bill.
Sinabi ni Rep. Briones, umaabot na sa P55 bilyon ang nakokolektang MCCE na posible umanong napupunta lamang sa bulsa ng mga director ng mga electric coops kaya sumulat na ito kay Pangulong Aquino na pakialaman na ang nasabing usapin at ipatigil ang kinukulektang MCCE.
Aniya, kung sinsero ang Pangulong Aquino sa kanyang isinusulong na tuwid na daan ay dapat na siyang kumilos sa anomalyang ito na kanyang natuklasan na pagpapataw ng dagdag na singil sa kuryente kung saan ay ninanakawan ang 9-milyong consumer.
Sa ngayon aniya ay nagsisilbing ‘inutil’ ang tanggapan ng Department of Enegry (DoE) at National Electrification Administration (NEA) na siyang may control sa mga electric cooperative dahil walang ginagawang aksiyon sa nasabing anomalya.
- Latest
- Trending