Luzon, NCR babahain
MANILA, Philippines - Nagbanta ang Philippine Athmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga residente ng Northern at Central Luzon, gayundin sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) areas sa posibleng pagbaha bunsod ng pag-ulang dala ng isang low pressure area at inter-tropical convergence zone (ICTZ).
Ayon kay DOST Undersecretary Graciano Yumul kahapon, inaasahang madadagdagan ang tubig-baha sa Central Luzon dulot ng maghapong pag-ulan kahapon na maaaring aabot hanggang ngayong araw ng Linggo.
Sinabi ni Yumul na binabantayan na rin nila ang pagtaas ng tubig sa Marikina river na posibleng makaapekto sa CAMANAVA area.
Nag-abiso na rin umano ang pangasiwaan ng Ipo dam na posibleng magpakawala ng tubig dahil umabot na sa 146 meters ang water level, habang ang Magat dam ay nagsabi na rin na magbubukas ng kanilang mga gate.
Ang tubig mula sa Ipo dam ay dumideretso sa CAMANAVA area.
“Makapal po talaga ang mga pag-ulan ngayon, halos sa buong Luzon kasama ang National Capital Region (NCR). Maghapon po ito, inaasahang hanggang bukas ay maulan sa buong Pilipinas. Inaasahan na ang baha ay madagdagan pa ng pag-ulan at naglabas na tayo ng advisory na ang mga landslides at flooding ay posible ngayon,” pahayag ni Yumul.
Pinaalaahanan din ng PAGASA ang mga residente sa nabanggit na mga lugar na mag-ingat at ugaliing magmasid sa paligid upang makaiwas sa epekto ng kalamidad.
- Latest
- Trending