Katutubo tutulong sa seguridad ng minahan sa S. Cotabato
MANILA, Philippines - Makikipagtulungan ang komunidad ng mga tribu sa Tampakan, South Cotabato sa pamahalaang lokal at kompanya ng pagmimina para matiyak ang seguridad at kapayapaan sa panukalang Tampakan copper-gold project. “Makatutulong ang aming mga komunidad para matiyak ang seguridad sa project area,” ayon kay tribal Chieftain Dalena Samling na nagsabing mas mainam na sangkot sa seguridad ang kanilang komunidad dahil kabahagi sila sa proyekto.
Aminado si Samling na sa kaso ng Tampakan project, anumang isyu sa seguridad ay makakaapekto sa kabuhayan ng mga katutubo dahil mawawalan sila ng trabaho at oportunidad sa kabuhayan kapag natigil ang pagmimina. Nilinaw ni Samling na kapag iniutos ng mining company ang tigil-trabaho sanhi ng isyung pang seguridad, mapipilitan ang ilang miyembro ng kanilang tribu na magbalik sa ilegal na small-scale mining na sanhi ng mas maraming problema.
Ayon kay Samling, kumikilos ang kanilang tribu upang makumbinse ang karatig na mga komunidad na panatilihin ang kapayapaan at seguridad ng mining company sa kanilang lugar kasabay pag-amin na hindi sila dati kinokonsulta sa isyung pangseguridad.
- Latest
- Trending