Zambales walang kinatawan sa Kamara
MANILA, Philippines - Hinihiling ng mga residente ng ikalawang distrito ng Zambales sa Commission on Election, Kongreso at Malakanyang na magtakda na ng petsa sa pagdaraos ng special election para sa bakanteng posisyon sa mababang kapulungan ng kongreso bunsod ng pagkamatay ni Congressman Antonio Diaz dahil sa karamdaman.
Sa isang media forum sa Maynila, sinabi ni Barangay Chairman Mario Abanes ng Barangay Lipa, Sta Cruz, Zambales, higit nilang kailangan sa ngayon ang pagkakaroon ng kinatawan sa kanilang lugar para makatulong sa mga naapektuhan ng magkasunod na bagyong Pedring at Quiel.
Ayon kay Chairman Abanes, maraming residente sa 2nd district ng Zambales ang walang malapitan na kinatawan ng kongreso sa kanilang lugar para sana humingi ng saklolo at mabigyan ng ayuda bunsod ng pananalasa ng dalawang bagyo.
Marami ring mangingisda ang nasira ang kani-kanilang mga bangka dahil sa hagupit bagyo pero walang nagbibigay sa kanilang ng tulong para muling bumangon sa epekto ng kalamidad.
Inihayag pa ni Abanes, base sa isinasaad sa batas ay dapat sa loob ng 90 araw ay makapagdaos ng espesyal na halalan sa isang lugar kung nasawi ang isang opisyal na dating nanunungkulan.
Si dating Rep. Diaz, 83, ng 2nd district ng Zambales ay namatay noong Agosto 3, 2011 dahil sa multi-organ failure na kumplikasyon ng sakit na diabetes.
- Latest
- Trending