MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang Commission on Audit sa pamahalaan na ikonsidera ang pagkalas sa mga negosasyon sa pautang ng ilang dayuhang lending agencies na ayaw sumunod sa mahigpit na mga probisyon ng Republic Act 9184 o the Government Procurement Act on contracts for bridge construction.
Ginawa ng COA ang rekomendasyon sa pamahalaang Aquino nang mapuna nitong merong sumobrang budget ang milyun-milyong pisong kontrata para sa mga proyekto sa tulay na ipinatupad ng nagdaang administrasyon.
Hindi pa ipinapalabas ng ahensiya ang special sectoral performance audit para sa bridge program mula 2007 hanggang 2010 pero sinasabi ng ilang impormante sa COA na pinuna na ng nakatalagang audit team ang mga pagsuway sa mga probisyon ng RA 9184 na nagbunga sa sobrang gastos sa ilang proyekto.
Ang rekomendasyon sa paggiit sa pagsunod sa mga probisyon ng RA 9184 ay naunang ginawa sa 2002-2006 special sectoral performance audit for the bridge program na isinumite sa Department of Public Works and Highways.
Ang pagkabahala ng COA sa lumaking gastos sa mga proyekto ay bunsod ng lumaking gastusin sa pagbubuo sa maraming tulay na karamihan ay dahil sa mga pagkaantala at pagsususog sa kontrata.
Sa isang audit report kamakailan sa DPWH, ibinunyag ng COA na umaabot ng hanggang P1o bilyon ang sobrang gastos sa maraming proyekto sa nagdaang tatlong taon.
Ibinunyag din dito na ang pagpapatayo ng isang special bridge project na pinondohan ng pamahalaang British at ipinatupad ng Balfour ay halos dumoble ang orihinal na presyo nang 86.6 porsiyento.