MANILA, Philippines - Magdidilim sa darating na Martes, Oktubre 11 sa iba’t ibang gusali at establisimyento sa bansa gayundin sa mga residential areas dahil sa gagawing “Power Off” protest sa pangunguna ng Freedom from Debt Coalition (FDC).
Idineklara ng FDC ang October 11 bilang National Day of Protest laban sa walang tigil na pagtaas ng singil sa kuryente.
Sa Power Off Protest, 30 minutong magpapatay ng ilaw at hindi gagamit ng kuryente ang mga lalahok sa protesta sa iba’t ibang panig ng bansa mula alas-7:30 ng gabi hanggang alas-8 ng gabi.
Kasabay nito, giniit ng grupo ang agarang pag-rollback sa presyo ng kuryente at pagbasura na ng EPIRA law na hindi naman anila nakakatulong na maibaba ang singil sa kuryente taliwas sa orihinal na intensiyon nito.
Hiniling din ni FDC na huwag nang ituloy ang pagsasapribado ng natitira pang generation assets ng National Power Corporation.