2 importer ng pekeng baterya kinasuhan ng Customs
MANILA, Philippines - Kinasuhan ng smuggling ng Bureau of Customs (BoC) sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang kompanya na nag-aangkat umano ng pekeng brand ng mamahaling baterya.
Ang dalawang kinasuhan ay ang Multikarat Enterprises na nag-angkat umano ng pekeng baterya na nagkakahalaga ng P7 milyon noong 2010 at ang Sarae Tradings na nag-aangkat ng pekeng brand ng speaker na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Partikular na ipinagharap ng paglabag sa Tariff and Customs Code at Intellectual Property Code ay sina Joel Arzadon Macaraeg at Carlos Dacaymat, may-ari at customs broker ng Multikarat at sina Graciano Malangen Tumabat at Joseph Dimasana Espiritu, may-ari at customs broker ng Sarae Trading.
Ayon kay Customs Commissioner Ruffy Biazon, upang makaiwas sa pagsusuri ng bureau ay idineklara ng Multikarat na mga replacement part ang kanilang mga inangkat na kargamento.
Anang komisyuner, patunay lamang ang kanilang inihaing kaso na hindi nila kinukunsinti ang mga paglabag sa intellectual property rights at ang pamamayagpag ng mga pekeng produkto na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
- Latest
- Trending