MANILA, Philippines - Muling kinalampag si Pangulong Aquino na ilabas na ang natipid na pondo ng gobyerno upang mas matulungan ang mga binahang mamamayan sa Central Luzon at mga naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Senator Ramon Bong Revilla Jr., chairman ng Senate Committee on Public Works, dapat na ilabas ang lahat ng available na pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na grabeng naapektuhan ng bagyong Pedring at Quiel.
Matinding pinsala umano ang idinulot ng dalawang bagyo, partikular sa Northern Luzon and Central Luzon kung saan ang agrikultura ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente.
Ipinunto ni Revilla na bilang isang agrikultural na bansa, dapat na agarang ilabas ng gobyerno ang lahat ng accessible funds nito para sa tuluyang pag-ahon ng mga nasalantang lugar kung ayaw nating maapektuhan ang pambansang ekonomiya.
Binigyang-diin din nito na dapat gamitin ng gobyerno ang lahat ng cash-on-hand nito upang magsagawa ng pangmatagalang hakbang upang maibsan ang kalagayan ng mga nasalantang pamilya at ma-rehabilitate ang mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Ang pondo ay maaring kunin umano sa savings ng mga government agencies, kinita sa Toll fee at sa iba pang VAT collections.