PNoy nag-ikot sa mga binahang lugar

CALUMPIT, Bulacan, Philippines  – Matapos mabatikos sa umano’y mabagal na government response at hindi pagpaparamdam sa mga biktima ng baha, idinepensa kahapon ni Pangulong Aquino ang ginagawang pagtugon ng gobyerno sa panahon ng kalamidad.

Sinabi ng Pangulo sa pagbisita nito sa bayang ito kahapon, kung tutuusin ay mas mababa umano ng 10 porsiyento ang naitalang casualties sa bagyong Pedring na higit 50 kumpara sa ‘Ondoy’ na umaabot sa 400.

Ayon kay P-Noy, ba­gama’t hangad ang zero casualty ay hindi talaga maiiwasan na may masawi dahil na rin sa kawalan ng kooperasyon ng mga tao at ito ngayon ang kanilang tinatrabaho.

Una nang binatikos ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang mabagal na tugon ng mga cabinet secretaries ng Pangulo para pangunahan ang rescue operations at pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.

Ikinadismaya ng Arsobispo ang pagiging “missing in action” nina DSWD Sec. Dinky Soliman at Executive Sec. Paquito Ochoa na dapat mga frontliner sa bagyo.

Nilinaw ng Arsobispo na kahit wala o nandito man sa bansa ang Pangulo kung aktibo at magaling ang mga kalihim nito ay madaling maiwasan ang malalang epekto ng bagyo sa bansa.

Show comments