MANILA, Philippines - Nais ni Kasangga Partylist Representative at Joint Oversight Committee on Disaster Risk Reduction and Management Council member Teodorico Haresco na amyendahan ang Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Law.
Ipinapanukala ni Haresco na gamitin ang Overseas Development Assistance (ODA) para mapondohan ang National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC).
Kung wala anya ang naturang pondo, hindi sapat ang P93 milyong badyet para matulungan ang mga biktima ng kalamidad sa buong bansa.
Sinabi pa niya na ang pondo ng ODA ay isang mahalagang alternatibo para sa pondong kinakailangan.
“Nakatulong sa credit standing ng Pilipinas ang zero-based fiscal management ng pangulo. Mas maige ang paggamit sa ODA,” sabi pa niya.
Binanggit pa niya na maaaring likhain ang isang special Infrastructure Response Unit para makipagtulungan sa mga pamahalaang-lokal sa pagkumpuni ng mga public works na winasak ng mga kalamidad tulad ng bagyo at lindol.
Sabi pa ni Haresco na 24 kalamidad ang regular na tumatama sa bansa na nagpapahina sa 10,000 lineal meters na mga tulay taon-taon.
“Mahalaga ang mga tulay na ito sa disaster rescue and relief effort,” wika pa ng kongresista.