MANILA, Philippines - Binigo umano ng mga pinuno ng Philippine Airlines Employees Association (Palea) ang mga miyembro nito dahil sa maling timing ng tigil-trabaho noong Setyembre 27, sa kasagsagan ng bagyong ‘Pedring’.
Ito ang maanghang na pahayag ng labor center na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa kanilang website kaugnay ng retrenchment ng may 2600 empleyado ng PAL at pagpapakontrata sa iba ng ilang serbisyo ng PAL tulad ng ground handling, call center at catering.
Ayon kay Lito Ustarez, KMU vice-chairperson, ang mga manggagawa ng PAL ay nasa mas magandang posisyon kung nuong Oktubre uno nila ginanap ang kilos protesta at hindi nuong Setyembre 27 kung saan ay naparalisa ang operasyon ng PAL.
“Nasa matatag sanang posisyong legal at politikal ang mga PAL workers dahil ang ginawa ng PAL ay isang illegal lockout, na lumalabag sa status quo na dapat ay umiiral habang wala pang desisyon ang Court of Appeals sa labor dispute,” aniya.
Nalagay din daw sa alanganin ang mga empleyado na sumali sa protesta nuong Setyembre 27 dahil pwede silang makasuhan, matanggal sa trabaho at hindi mabayaran ang kanilang retirement benefits, dagdag ni Ustarez.