Mikey, misis pinakakasuhan na sa tax evasion
MANILA, Philippines - Iniutos na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa sa Court of Tax Appeals (CTA) ng P73.85-M tax evasion case laban kay Ang Galing Pinoy party-list Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo at maybahay na si Angela Montenegro-Arroyo.
Sa resolution na nilagdaan ni Prosecutor General Claro Arellano, sinabi ng DOJ na may nakitang sapat na batayan para idiin sa nasabing kaso ang mag-asawa sa pagkatig naman nito sa inihaing reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Hinihingi ng BIR sa mag-asawa na bayaran nila ang halagang P73.85 milyong kabuuan tax liabilities nila para sa taong 2004 hanggang 2009.
Nag-ugat ang kaso sa ilang ulit na kabiguan ng mag-asawa na maghain ng kanilang income tax returns (ITRs) at ang underdelaration ng kanilang kinita sa mga taong nabanggit.
Si Mikey ay hindi nagdeklara ng kinita sa ITRs sa taong 2005, 2008, at 2009 sa kabila ng lumutang na record sa Statements of Assets and Liabilities and Networth (SALN) nito mula 2002 hanggang 2009 na ang taong 2004 hanggang 2009 ay nakabili silang mag-asawa ng milyong halaga ng ari-arian, kabilang ang mga bahay, sasakyan at shares of stocks.
- Latest
- Trending