MANILA, Philippines - Target ngayon ng mga marinong Pinoy na malagay sa Guinness Book of World Records bilang may pinakamahabang boodle fight ng mga seafarers sa buong mundo.
Ito’y matapos na matagumpay na ipagdiwang noong Biyernes ng Luneta Seafarers Welfare Foundation (LUSWELF) kaisa ang maritime industry ang kanilang ika-5th Annual Seafarers Boodle Fight na may temang “Salu-Salo ng Marino, Tungo sa Pagkakaisa.”
Nagmistulang fiesta ang harap ng Seafarers’ Center sa kahabaan ng T.M. Kalaw St., Ermita, Manila matapos na bumaha ng masasarap na pagkain at dumugin ng hindi bababa sa 4,000 Pinoy seafarers buhat sa iba’t ibang manning agency sa bansa, maritime school at Philippine Coast Guard.
Ayon kay LUSWELF Administrator Engr. Anfred Yulo, ang naturang event ay taunang ginagawa ng LUSWELF kasabay ng selebrasyon ng pagdiriwang ng National Maritime Week sa buwan ng Setyembre.
Aniya, bukod sa hangaring maipasok sa ‘Guinness’ prayoridad na hangarin ng pamunuan na mabigyan ng kakaibang kasiyahan ang mga marino sa bansa partikular sa pagdiriwang ng isa sa pinakamahalagang araw sa mga ito.
Bukod rito, layon din ng nabanggit na programa ay upang muling bigyan ng pagsaludo ang mga marino matapos itong kilalanin sa buong mundo sa pamamagitan ng International Maritime Organization (IMO) bilang “the sailing ambassadors,” dahil na rin sa malaking kontribusyon nito sa maritime industry hindi lamang sa Pilipinas maging sa ibang dako ng mundo.