Fil-Am na kinidnap ng Abu pinalaya na
MANILA, Philippines - Matapos ang 83-araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang bihag na Fil-Am sa liblib na lugar sa Sitio Suba Kampong, Brgy. Townsite sa bayan ng Maluso, Basilan noong Linggo ng gabi.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, kinilala ang nakalayang bihag na si Gerfayeatte Lunsmann, nakapag-asawa ng Aleman at kasalukuyang nagbabakasyon sa bansa.
Nananatiling bihag ng mga bandido ang 14-anyos nitong anak na lalaki na si Kevin Eric Lunsmann.
Ayon sa pulisya, natagpuan ang misis habang naglalakad sa nasabing lugar matapos itong pakawalan ng mga kidnaper.
Si Gerfayeatte ay isinailalim sa medical check-up sa Zamboanga City kung saan sinalubong ni Mayor Celso Lobregat at ng dalawang Federal Bureau of Investigation (FBI) special agents na sina Jagdeep Khangura at Michael Paysan na nagmomonitor sa kidnapping ng mag-inang Lunsmann.
Ang mag-ina ay dinukot kasama ang pamangkin ni Gerfayeatte na si Romnick Jackaria, 19, matapos na dumating mula sa Estados Unidos para magbakasyon sa Zamboanga City noong Hulyo 12.
Nabatid na ang mag-ina ay planong magtayo ng negosyo sa Sacol Island subalit naganap ang hindi inaasahang pagkakataon.
Sa tala ng pulisya, humingi ng $10 milyong ransom ang mga kidnaper sa pamilya ng mag-ina na naibaba sa $2 milyon pero walang impormasyon nakalap ang mga awtoridad kung nagkabayaran ng ransom kapalit ng kalayaan ng misis.
- Latest
- Trending