Mga doktor pumalag sa litrato nina Ate Guy at Anne Curtis
MANILA, Philippines - Binatikos ng Philippine Medical Association (PMA) ang paglalathala ng dalawang magazine sa cover page nito ng mga larawan ng sikat na artista na kapwa may hawak na sigarilyo.
Partikular na tinukoy ng PMA ang mga larawan nina Superstar Nora Aunor at teleserye/movie actress at TV host Anne Curtis.
Anila, hindi magandang ehemplo sa mga kabataan ang paglalabas ng mga larawan ng mga hinahangaang artista na tila naghihikayat pa na mainam ang paninigarilyo.
Sa “Yes” magazine makikita ang larawan ni Aunor at si Curtis naman ay sa Rogue magazine na issue ngayong buwan.
Iginiit ng PMA na isinusulong nila ang ‘smoke-free Philippines’ campaign kaya hindi magandang ang sikat na imahe ng dalawang aktres ang matutunghayan sa cover page at lantad sa mga kabataan.
Dapat umanong maging sensitibo at responsable ang mga publisher, producer at mismong mga artista sa kanilang ginagawang impluwensiya sa lipunan.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng PMA na si Dr. Mike Aragon, hindi nila pinepersonal ang dalawang aktres bagkus ay hindi sila sang-ayon sa depensa ng Yes magazine na freedom of expression lamang ang isyu.
Anang PMA, buhay at kamatayan ang nakasalalay dito dahil nakamamatay ang paninigarilyo.
- Latest
- Trending