MANILA, Philippines - Hindi pa man nakakabangon ang Central at Northern Luzon kay bagyong Pedring ay muli naman itong iginupo ng bagyong Quiel na nag-landfall kahapon sa Isabela.
Mahigit isang oras matapos tumama si Quiel ganap na alas-9 ng umaga sa Dinapigue, Isabela ay nagkaroon ng landslide sa Brgy. Gonogon sa bahagi ng Hanselma-Mountain Highway kung saan nalibing ng buhay ang isa katao habang isa pa ang nasugatan matapos matabunan ng gumuhong bundok ang tahanan ng mga ito sa Bontoc, Mountain Province.
Kinilala ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos ang nasawing biktima na si Sonny Marcos habang sugatan si Melanie Gomez, pawang ng Brgy. Gonogon, Bontoc.
Ayon kay Ramos sa kasalukuyan ay ‘isolated’ o hindi na madaanan ang Palanan, Dinapigue, Maconacon sa lalawigan ng Isabela bunga ng nabuwal na mga punongkahoy at flashflood gayundin ang Tabuk-Aurora highway.
Ayon sa PAGASA, napanatili ni Quiel ang lakas na hangin na nasa 160 kph malapit sa gitna at bugso na nasa 195 kph.
Nakataas ang signal No. 3 sa Isabela, Northern Aurora, Mt. Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Signal No. 2 sa Cagayan, Apayao, Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Zambales, Bulacan, Northern Quezon at Polillo Island.
Samantala signal No. 1 sa Quezon, Camarines Norte, Rizal, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, Lubang Island, Babuyan Island, Calayan Group of Islands at Metro Manila.
Ayon kay DOST Usec. Graciano Yumul, inaasahan na magdudulot ng mga malalakas na pag-ulan ang bagyong Quiel sa Northern Luzon pati na ang timog Luzon at Metro Manila dahil sa hanging habagat.
Pinaalalahanan ni Yumul ang mga residente sa Luzon partikular ang mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, Isabela, Cagayan na una ng binaha dahil malaki umano ang posibilidad na lalong magkaroon ng malawakang pagbaha.
Anya, mas madaling magkaroon ng mga pagbaha ngayon dahil basa pa ang lupa bunsod ng mga pagbahang idinulot ng bagyong Pedring.
Kasing dami umano ng bagyong Pedring ang ulan na dala ni Quiel kaya’t mainam na itoy paghandaan.