MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 200 kabahayan ang naabo sa sunog na sumiklab sa isang barangay dulot umano ng pagputok ng kuryente sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon. Ganap na alas-3:15 ng hapon nang magsimula ang sunog sa Mauban St., corner Dagot St., Brgy.Manresa nang biglang may pumutok na kuryente sa isang bahay sa lugar na nagdulot ng biglaang pag-apoy. Dahil pawang gawa lamang sa light materials at dikit-dikit pa ang mga kabahayan kaya madaling kumalat ang apoy hanggang sa umabot ito sa Task Force Charlie. Nahirapan din ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil bukod sa makitid ang lugar, nakadagdag pa sa pagsisikip ang mga nakahambalang na mga gamit ng mga apektadong residente at mga usisero. Ganap na alas-5:35 ng hapon nang tuluyang ideklarang fire-out ang nasabing sunog. Wala ring iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente. Inaalam pa ang halaga ng napinsala rito.