MANILA, Philippines - Maaari nang mag-aplay para sa calamity loans ang mga miyembro ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) na naapektuhan ng bagyong Pedring.
Ayon kay Pag-IBIG deputy chief executive Emma Linda Faria, P5 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para sa mga nasalanta ng bagyo bilang alalay sa pagbangon mula sa nagdaang bagyo.
Sa ilalim ng Calamity Loan Program ng Pag-IBIG, ang bawat miyembro na may kabuuang 24 monthly contributions at nakatira sa lugar kung saan naideklarang nasa ilalim ng “state of calamity” ay maaari umanong makinabang sa nasabing programa.
Ayon kay Faria, tinatayang nasa P10,000 hanggang P15,000 ang maaaring mautang ng bawat miyembro at babayaran ito sa loob ng 24 na buwan na may limang buwang grace period. Ang loan interest ay nasa 10.75 percent per annum.
Anya, maaari pa rin umanong makakuha ng calamity loan ang mga Pag-IBIG members na may nakabinbing Multi-Purpose Loans, bagama’t ibabawas umano sa bagong utang ang balanse nito.
Nakahanda rin umano ang kagawaran na mag-deploy ng kanilang mga tauhan sa mg calamity-stricken areas para tumanggap ng mga loan applications. (Angie dela Cruz/Danilo Garcia)