MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga motorista na magsuot ng seatbelt at helmet sa pagbibiyahe matapos lumitaw sa pag-aaral na malaking porsiyento ng mga aksidente sa daan ay dahil sa kawalan ng suot na proteksiyon.
Batay sa 2011 first quarter data ng DOH-National Electronic Injury Surveillance System (NEISS), may 12,729 injury cases na naitala, sa 3,901 ang transport/vehicular crashes, na siya ring nangungunang dahilan ng pagkasugat.
Ayon kay Health Undersecretary Teodoro J. Herbosa, malaking tulong sa mga motorcycle riders at mga angkas sa motorsiklo ang helmet para maproteksiyunan sila sa anumang fatal injuries.
Ang Central Luzon ang nakapagtala ng pinakamataas na insidente ng transport/vehicular accident na umabot sa 22.4 porsiyento, sumunod ang Davao Region (21.6%), at MIMAROPA (10.6%).
Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at CARAGA region naman ang nakapagtala ng pinakamababang vehicular accident cases o tig-0.4 porsiyento lamang.