MANILA, Philippines - Umalma ang mga negosyanteng may-ari ng mga night club at videoke bar sa Parañaque City partikular na sa bahagi ng Sucat, Airport Road at Roxas Blvd sa Baclaran ang mala-buwaya ng City Hall PNP Detachment sa Parañaque City kaugnay sa pangongolekta ng lingguhang payola na umaabot sa P5,000 mula P1,000.
Sa ipinatawag na pulong ng hepe ng City Hall Detachment na sina P/Inps. Caisip at Sgt. Ramirez noong Lunes ng Sept. 5 na dinaluhan ng mahigit na 150 representative ng mga night club, karaoke bar at iba pa lumilitaw na hinihingan ang mga negosyante ng P5,000 kada linggo mula sa naunang P1,000 na sinasabing protection money.
Ayon sa source na mapagkakatiwalaan at tumangging pangalanan, wala naman magawa ang mga negosyante sa kahilingan ng dalawang nabanggit na opisyal dahil sa takot na maapektuhan ang kanilang negosyo kaya mapipilitan silang pagbigyan ang malaking halaga kada linggo.
Kinuwestiyon din ng mga ito ang legalidad ng operasyon ng City Hall Department ng pulisya sa Paranaque City dahil ipinabuwag na ng nakaraang PNP Chief ang lahat ng city hall department sa Metro Manila subalit patuloy pa rin sa kanilang operasyon ang nabanggit na detachment. Nanawagan din ang mga negosyante kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na masusing imbestigahan ang modus operandi ng dalawang opisyal ng pulisya kung saan aabot sa P.3 milyong makokolekta nito kada linggo na sinasabing hindi malaman kung saan mapupunta.
Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang dalawang opisyal ng pulisya kaugnay sa nasabing isyu.