'Ukay-ukay' bubuwisan
MANILA, Philippines - Upang maprotektahan ang local textile manufacturers at madagdagan ng kita ang gobyerno, isinusulong sa Kamara ang paglalagay ng buwis sa mga damit na mula sa ukay-ukay.
Inihain ni Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali ang House bill 5188 bunsod na rin sa pagkalat ng ukay-ukay sa kabila ng mga batas na nagbabawal sa commercial importation at pagbebenta ng used clothing o relief clothes sa murang halaga sa mga “ukay-ukay.”
Tinukoy ni Umali ang Republic Act 4653 kung saan ipinagbabawal ang commercial importation ng textile articles na kilala bilang used clothing and rags dahil sa isyu ng “sanitary and hygienic concerns.”
Nakakaapekto rin umano ang “ukay-ukay” sa local garments industry ng bansa.
Nakapaloob sa section 3 ng panukala na bubuwisan ang mga commercial importation of used clothing na katumbas ng 30% ng total value ng produkto.
Ang “used clothing” ay yaong mga second-hand apparel, materials, merchandise o iba pang kahalintulad na gamit tulad ng damit, clothing accessories; traveling rugs and blankets; household linen at furnishing articles of textile materials at mga sapatos at headgear.
Niliwanag pa ng mambabatas na nakapaloob sa batas na ang importasyon ng used clothing na walang buwis ay para lamang ipamahagi sa mga biktima ng natural calamities and disasters dala ng bagyo, pagbaha, lindol, pagsabog bulkan, gutom, at iba pang sakuna.
Ang sinumang importer o consignee na lalabag dito ay maaaring makulong ng hanggang habangbuhay at pagmumultahin ng P2-3 milyon sa kabiguang makapagbayad ng buwis.
- Latest
- Trending