MANILA, Philippines - Mahaharap sa kasong kriminal at pagkakulong ang mga mahuhuling nanggugulo at humahadlang sa maayos na operasyon ng mga paliparan sa bansa.
Sa direktibang ipinalabas ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Ramon Gutierrez, mahigpit nang ipinagbabawal ang anumang aktibidad na maaring humadlang sa maayos na serbisyo ng paliparan tulad ng pagharang sa mga lansangan patungong airport, o anumang gawaing maaaring maging balakid sa maayos na operasyon ng mga airlines at maging sa pagpasok at paglipad ng mga pasahero.
Ito’y matapos ang serye ng kilos-protesta sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex na nagparalisa sa trapiko at bumalam sa operasyon ng mga paliparan.
Sakop ng kautusan ang lahat ng paliparan sa bansa kabilang na ang old domestic airport, NAIA Terminals 1, 2 at 3 at maging ang Mactan International Airport sa Cebu.
Inatasan ni Gutierrez ang Philippine National Police na mahigpit na ipatupad ang direktibang batay sa paragraphs 5, 6, 7 at 8, Section 81, Chapter 9 ng Republic Act 9497 na lalong kilala bilang CAAP Law.
Sinumang mahuli at masampahan ng kasong kriminal sa ilalim ng batas na ito ay maaring makulong ng mula isa hanggang tatlong taon at pagmumultahin ng mula P50,000 ngunit hindi hihigit sa kalahating milyong piso (P500,000).
Maaalalang dalawang ulit na naparalisa ang trapiko sa paligid ng NAIA 1, 2 at 3 noong Abril 1 at Setyembre 16 bunga ng kilos-protesta ng PAL Employees Association (PALEA), kasama ang mga kaalyadong ‘di naman umano empleyado ng PAL.
Kontra ang unyon sa napipintong spin off/outsourcing ng PAL kung saan ililipat na ang operasyon ng airport services, catering at call center reservations ng PAL sa ibang kumpanya mula Oktubre 1.