MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng Malacañang na itinalaga sa kaniyang posisyon si bagong Local Water Utilities Administration head Rene Villa dahil sa koneksiyon nito sa tinaguriang “Hyatt 10” na sumuporta sa kandidatura ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, hindi makatarungan ang mga lumalabas na ulat na ginamit ni Villa ang koneksiyon para makuha ang posisyon sa LWUA.
Sinabi ni Valte na itinalaga si Villa ng Pangulo dahil sa kaniyang integridad at kakayahan.
Matatandaan na inihayag ng Palasyo noong Biyernes na si Villa ang ipinalit sa posisyon ni dating LWUA head Prospero Pichay Jr. na pinatalsik sa kaniyang posisyon matapos maakusahan na nilustay ang pera ng ahensiya.
Nauna ng nagbanta si Pichay na kukuwestiyunin sa korte ang pagkakatanggal sa kaniya sa puwesto.
Samantala, pinabulaanan din ni Valte na puro mga kaalyado ni Pangulong Aquino sa Liberal Party ang ilalagay sa mga bakante pang posisyon sa gobyerno.
Masusi umanong pinag-aralan ng Malacañang ang kakayahan ni Villa at inilagay ito bilang head ng LWUA dahil sa kaniyang kapabilidad.