Power rate lalong tataas
MANILA, Philippines - Nagbabala si House Deputy Speaker Lorenzo “Erin” R. Tañada III na lalo pang tataas ang presyo ng kuryente dahil ilang kumpanya sa sektor ng enerhiya ang sangkot umano sa kuwestyunableng sales at bidding ng mga power plant sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation.
Ipinalabas ni Tanada ang babala dahil sa tinanggap niyang mga report hinggil sa umano’y anomalya sa mga bentahan at subastahan ng mga planta ng kuryente na inaasikaso ng PSALM Corp..
Ang PSALM Corp. ay isang kumpanya ng pamahalaan na nilikha sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at naatasang umasikaso sa pagsasapribado ng mga planta ng kuryente ng gobyerno.
Pero pinuna ni Tañada na, pagkaraan ng 10 taon mula nang mapagtibay ang EPIRA law noong 2001, iilan pa lang ang mga kumpanyang lumalahok sa pagsasapribado ng mga ari-arian.
Kaugnay nito, nanawagan ang mambabatas sa PSALM na ibimbin muna ang bidding ng Naga Independent Power Producer Administrator (IPPA) contract na ininenegosasyon ng isang power plant na nasa tabi ng Naga IPPA hanggang sa malinawan kung paano ginawa ang mga patakaran sa bidding.
Pinuna pa ni Tanada na nabigo ang EPIRA na ayusin ang problemang pinansyal ng PSALM at ng National Power Corporation. Lalo lang anyang nagdagdag ng problema ang PSALM sa industriya ng kuryente.
Kabilang pa sa kinukuwestyon sa PSALM ang bentahan sa Manila Thermal Power Plant, Bohol-Dingle plants, at ang Pagbilao Power Plant IPPA bidding.
- Latest
- Trending