Prostitusyon lalaganap sa RH bill, condom
MANILA, Philippines - Naniniwala si Lipa Archbishop Ramon Arguelles na lalong lalaganap ang prostitusyon at lalong dadami ang magkakasakit ng HIV-AIDS kapag naisabatas ang RH bill dahil malinaw umano na imoralidad ang isinusulong nito.
Ayon kay Archbishop Arguelles, hindi na siya nagulat sa pahayag ni US Ambassador to the Philippines Harry Thomas na 40-percent ng mga male tourist ay pumupunta lamang sa Pilipinas dahil sa sex.
Hindi na rin umano nakapagtataka dahil noon pa man ay ikinakampanya na sa bansa ang sex tourism sa halip na magagandang tanawin at lugar sa bansa.
Itinuturing naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na exaggerated ang pahayag ni Thomas na 40-porsiyento ng male tourist ay pumupunta sa Pilipinas para sa sex.
Binigyan diin ni Archbishop Cruz na mayroon talagang prostitusyon sa bansa pero kalabisan ang survey na inilabas mismo ng Ambassador ng Amerika. Hindi anya patas para sa Pilipinas na sabihin ito ng isang Ambassador ng Amerika dahil hindi ito ang katotohanan.
Naniniwala ang Arsobispo na mayroong mga bansa na mas laganap ang prostitusyon kumpara sa Pilipinas.
Kaugnay nito, ipinagmalaki naman ni Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo na walang casino, bentahan ng droga at prostitusyon sa Palawan.
Inihalimbawa ni Arigo ang ginagawa nilang “wholesome tourism” sa Palawan kung saan pino-promote nila sa mga turista ang hindi pagsusuot ng bikini sa beach.
- Latest
- Trending