MANILA, Philippines - Isa na namang trahedya ang naganap sa camping ng Boy Scout/Girl Scout Jamboree, makaraang maputol ang hanging bridge na tinatawiran ng 50 estudyante na nahulog sa ilog na kumitil ng buhay ng isa sa mga ito habang apat pa ang nasugata kahapon ng umaga sa Barangay Masipag, Macalelon, Quezon.
Sa ulat ni Quezon Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Erickson Velasquez, idineklarang patay sa Gumaca District Hospital ang biktimang si Abegail Palo, 4th year sa Macalelon High School.
Patuloy namang ginagamot ang apat na estudyante na na kilalang sina Carmedel Formaran, 13; Paulo Aviles, 13; Kinly Dean, 14; at si Lealyn Bagayan, 14, pawang 2nd year high school na lumahok sa camping.
Nailigtas naman ang iba pang estudyante ng mga nagrespondeng rescue team matapos mahulog sa ilog mula sa mataas na hanging bridge dakong alas-10:45 ng umaga.
Ang iba naman ay bahagyang nagtamo ng gasgas sa katawan at hindi na dinala sa ospital matapos na lapatan ng first aid.
Lumilitaw na bumigay ang lumang hanging bridge dahil hindi nakayanan ang bigat ng may 50 high school students na kalahok sa camping kaugnay ng 5-araw na Boy Scout/Girl Scout Jamboree sa nasabing bayan.
Kasalukuyang tumatawid sa ilog ang mga estudyante sa ilalim ng superbisyon ni Rudy Concepcion, course coordinator nang malagot ang hanging bridge.
Sinisilip naman ng kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan kung may pananagutan ang coordinator ng mga estudyante habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.