MANILA, Philippines - Inimbitahan ni Pangulong Benigno Aquino III si US President Barack Obama na bumisita sa Pilipinas matapos ang kanilang maiksing pag-uusap makaraang dumalo ang Presidente sa launching ng Open Government Partnership (OGP) sa New York.
Kabilang si Pangulong Aquino sa 8 miyembro ng bansa ng steering committee ng OGP na inilunsad sa New York ni Obama. Nasa 45 lider ng bansa ang dumalo sa nasabing okasyon.
Sinabi ng Pangulo, ipinaabot niya ang imbitasyon kay Obama na bumisita sa Pilipinas matapos ang paglulunsad ng OGP.
Binati naman ni Obama si PNoy dahil sa mga repormang ipinatupad nito sa kanyang gobyerno particular sa transparency.
Wala pang tugon si Obama sa imbitasyon ni Pangulong Aquino kung pauunlakan nito ang nasabing paanyaya.