P5 kada stick ng yosi mungkahi
MANILA, Philippines - Para matigil sa paghithit at pagbuga ng usok mula sa sigarilyo ng maraming nagyo-yosi, iminungkahi kahapon ng grupong Health Justice Philippines (HJP) sa gobyerno na gawing limang piso kada isang stick ang sigarilyo.
Ang grupong HJP na kinabibilangan ng mga doktor, abogado at economist ay nagsabing titigil lamang sa paggamit ng sigarilyo ang maraming Filipino kung itataas ang presyo nito.
Ayon sa HJP, unang titigil sa paninigarilyo ang mga estudyante na may edad18 pababa dahil hindi na kakayanin ng kanilang mga allowance o baon para tustusan pa ang pagbili ng sigarilyo bunsod ng mataas na ang presyo nito.
Ginawa ng HJP ang pahayag matapos ang ginawang survey ng University of the Philippines (UP) na kaya maraming mamamayan ang nagyoyosi ay dahil mura lamang ito at affordable sa mga kabataang smokers.
Sinabi ng HJP, may 435 young smokers ang natanong sa survey ng UP at nagsabing mura umano nilang nabibili ang bawat stick ng sigarilyo kaya nahihikayat silang gumamit nito.
Pero kung itataas umano ang presyo ay mapipilitang ang mga ito huminto sa kanilang bisyo sa halip ay uunahin na lamang ang pagbili ng importanteng kagamitan sa paaralan.
Sa ngayon anang HJP, nakakabili pa ng halagang piso hanggang P1.50 kada stick ng sigarilyo.
Sa nakuhang data ng HJP, sinasabing 6-milyong tao ang nasasawi kada taon dahil sa paninigarilyo.
- Latest
- Trending