Deliberasyon ni PNoy pinahina ang transport strike - DOE

MANILA, Philippines - Nakatulong ang deliberasyon na ginawa ni Pangulong Aquino sa iba’t-ibang transport groups noong nakaraang linggo upang hindi maging ganap ang transport strike na nangyari kahapon.

Sa ginanap na Talking Points sa Philippine Information Agency, sinabi ni Department of Energy (DOE) Director Zenaida Y. Monsada na malaking tulong ang nasabing deliberasyon kung saan naipaliwanag na may hakbang na handang gawin ang gobyerno para dinggin ang panawagan ng mga transport groups para repasuhin ang “Oil Deregulation Law”.

Bagamat naramdaman sa ibang panig ng bansa ang nasabing transport strike, malaki ang pasasa­lamat ng direktora at hindi nakilahok dito ang ilang transport group tulad ng Pasang-Masda at iba pang malalaking grupo.

Isa sa napag-usapan sa nasabing deliberasyon ay ang pagtatalaga ni PNoy ng mga ahensyang mag-iimbestiga at tatalakay sa “Oil Deregulation Law” na sa tingin ng direktora ay nakapagpalamig sa ulo ng ilang galit na transport groups.

Sa ngayon, napagpasyahan na irebyu ang nasabing batas sa Kamara at Senado upang matukoy kung may masama nga ba itong epekto sa kalakaran ng produktong petrolyo sa bansa.

Show comments